Agad na nagbigay ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng NCR Field Office sa mga pamilyang naapektuhan ng malaking sunog sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa DSWD, nakipag-ugnayan sila sa mga lokal na partner upang subaybayan ang sitwasyon at ayusin ang agarang pamamahagi ng emergency assistance sa mga residente.
Tinatayang 4,000 pamilya ang naapektuhan ng malaking sunog.
Sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG) ng DSWD, na lahat ng apektadong pamilya ay makakatanggap ng tulong.
Kasama sa relief assistance ang ready-to-eat food packs (RTEFs) at sleeping kits, na ipamamahagi sa mga pamilya sa evacuation site.
Ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay pansamantalang nananatili sa Pinyahan Elementary School.
Naghahanda rin ang DSWD NCR ng karagdagang family food packs (FFPs) at iba pang non-food items (NFIs).
















