Inaprubahan na sa plenaryo sa Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palawakin ang access sa libreng tertiary education sa pamamagitan ng pagpapalakas ng Tertiary Education Subsidy (TES) at pagbibigay ng voucher program para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nais mag-aral sa pribadong kolehiyo o technical-vocational institutions.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, layunin ng panukala na matulungan ang mga mahihirap ngunit may kakayahang mag-aral upang makapagpatuloy sa kolehiyo kahit kapos sa gastusin.
Ang panukala, na House Bill No. 8476, ay bahagi ng Common Legislative Agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Layunin nitong repormahin ang TES program at magbigay ng voucher system para sa mga estudyanteng mahihirap ngunit kwalipikadong makapasok sa pribadong paaralan.
Ipinaliwanag naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na awtomatikong isasama sa TES ang mga estudyanteng mula sa pamilyang kabilang sa 4Ps kapag nakapasa sila sa admission ng mga kolehiyong kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa ilalim ng panukala, magpapatuloy ang subsidy hanggang matapos ng estudyante ang kanyang kurso basta’t natutugunan ang mga academic at residency requirements.










