-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Atin Ito Coalition na magkakasa sila ng ikaapat na civilian mission sa West Philippine Sea sa Abril.

Sa pagkakataong ito, isasagawa ang civilian mission patungo sa Pag-asa Island sa Munisipalidad ng Kalayaan, na naging mainit na pinag-usapan kamakailan matapos ang kontrobersiyal na pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na isuko na lamang ang Kalayaan Island Group (KIG) dahil nasa labas umano ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa isang pulong balitaan ngayong Huwebes, Marso 12, inihayag ni Atin Ito co-convenor Rafaela David na ang naturang misyon ay bilang tugon sa tatlong paangunahing krisis na kinakaharap ng ating bansa ngayon kabilang ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na matinding nakakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda, gayundin ang isyu sa pageespiya ng China at pagtataksil ng mga tinawag nilang “Tsinador” sa WPS.

Sa naturang civilian mission, target din ng koalisyon na mabigyan ng fuel at food assistance ang maliliit na komunidad ng mangingisda na pumapasan ng malakihang umento sa presyo ng langis.

Target na isagawa ang kabuun ng civilian mission sa loob ng limang araw at planong manatili sa Pag-asa Island ng isang araw.

Kaugany nito, nananawagan ang Atin Ito Coalition co-convenor sa gobyerno, business sector at mamamayan na manindigan kasama ang mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng fuel subsidies at iba pang suporta upang maipagpatuloy ang kanilang paghahapbuhay sa kabila ng krisis.

Binigyang diin naman ni Atin Ito co-convenor Edicio Dela Torre na isa sa pinaka-malakas na hakbang para matugunan ang militarisasyon ng China sa WPS ay ang presensiya ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino gayundin ang pagsasagawa ng civilian missions.

Bilang paghahanda naman sa ikaapat na civilian mission, magdaraos ng pulong sa Marso 23 sa Puerto Princesa na inaasahang dadaluhan ng WPS bloc ng Kamara at Senado, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, church leaders, kinatawan ng mga mangingisda, grupo ng mga kabataan kasama ang civil society organizations.