-- Advertisements --

Muling nanawagan ang civil society coalition na ‘Atin Ito’ sa pamahalaan na ideklara ang Hulyo 12 bilang “National West Philippine Sea Victory Day” kasabay ng pagsisimula ng ika-10 anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Atin Ito co-convenor Rafaela David, mahalaga na mapanatili sa mga Pilipino ang tagumpay na kinikilala ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang karagatan.

Aniya, makakatulong ito upang mapalakas ang kaalaman ng publiko at labanan ang maling impormasyon tungkol sa isyu.

Noong 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas laban sa malawak na pag-aangkin ng China sa ilang pinag-aagawang karagatan sa WPS, at hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon ng international court.

Una nang nagpasa ang Lungsod ng Cebu ng resolusyon na nagdedeklara ng Hulyo 12 bilang “West Philippine Sea Victory Day,” na pinuri naman ng Department of National Defense bilang mahalagang hakbang sa pagpapaalala ng tagumpay ng bansa sa usapin ng karagatan.

May mga panukalang batas na rin na inihain sa House of Representatives noong 2019 at muling inihain noong 2023 upang gawing pormal na paggunita ang naturang petsa.

Samantala, daan-daang mangingisda mula Zambales ang nakiisa sa Atin Ito sa isang aktibidad kung saan bumuo sila ng imahe ng watawat ng Pilipinas at pariralang “WPS, ATIN ITO!” gamit ang halos 80 bangkang pangisda.