-- Advertisements --

Hindi na ikinagulat pa ng Atin Ito Coalition ang panibagong naratibo pinalulutang ng bansang Tsina patungkol sa usapin teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Rafaela David, tumatayong Convenor ng koalisyon, at Presidente ng Akbayan Party, hindi na nila ikinagulat ang patungkol sa pang-aangkin nanaman ng dayuhan bansa.

Nitong nakaraan lamang kasi ay lumabas ang ulat mula sa mga ‘Chinese scholars’ nagsasabing ang Batanes ay bahagi umano sa pagmamay-ari ng Tsina.

Giit ng mga ito na ang naturang probinsiya nasa hilagang parte ng bansa ay sakop na ng bansang Taiwan kung kaya’t naniniwala silang ito’y sa Tsina.

Subalit sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Rafaela David ng Atin Ito Coalition, kanyang binigyang diin na ang naratibong ito ay tiyak na walang katotohanan.

Sa Pilipinas aniya ang Batanes at ang mga hakbang ng Tsina ay pawang kasinungalingan at panggigipit lamang ng dayuhan bansa.

Ang isa namang lider ng mga mangingisda at co-convenor ng Atin Ito Coalition na si Roberto ‘Ka Dodoy’ Ballon ay nanindigan na ang Batanes ay teritoryo ng bansa.

Itinuring ni Ka Dodoy ang naratibong pagmamay-ari ito ng Tsina bilang ‘haka-haka’ o ‘fake news’ lamang sapagkat ang Pilipinas ay siyang kinikilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na may karapatan sa West Philippine Sea.

Naniniwala din siya na ang nasa likod sa paglutang panibagong naratibo ay ang gobyerno ng Tsina na siyang nagdidikta umano kung anong sasabihin ng mamamayan at maging mga nasa akademiko.