Inihayag ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya na pakiramdam niya ay sila ang nanakawan nang sabihang isauli ang perang nakulimbat habang nasa proseso ng paga-apply para mapasama sa Witness Protection Program (WPP).
Sa ikawalong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa flood control anomaly, tinanong ni Senator Rodante Marcoleta si Discaya kung magkano ang hiniling sa kaniya na isauling pera.
Sagot naman ni Curlee na walang nabanggit na restitution noong una subalit ito ay napag-usapan noong sumunod na pagpupulong.
Inilarawan din ni Discaya ang hiling na restitution bilang modern day ng pagnanakaw, bagay na tinutulan naman ni Department of Justice (DOJ) Prosecutor General Richard Fadullon.
Tinawag ng Prosecutor General ang pahayag ni Discaya na isang kasinungalingan dahil hindi aniya sila sinabihang agad-agad na magsauli ng pera. Aniya, kailangan munang makita kung ano ang gusto at kayang sabihin at patunayan ng mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya sa kanilang mga salaysay, subalit hindi umano sila nakikipag-ugnayan sa departamento dahilan kayat hindi sila mabigyan ng kaukulang proteksiyon at hindi maproseso ang kanilang aplikasyon.
Tinanong din ni Sen. Marcoleta kung kusa ba o inobliga ang mga tetsigo na mag-restitute, na sinagot naman ni Fadullon na ito ay napagkasunduan sa pagitan ng kalihim ng DOJ at ng witness applicant.
Subalit, ikinatuwiran ng Senador na ang naturang kasunduan ay hindi nakabase sa probisyon sa ilalim ng WPP. Nakasaad aniya sa programa na hindi maaaring maging kondisyon ang restitution kahit na sa memorandum lamang ay hindi ito maaaring ipilit.
Dito na inihayag ni Marcoleta na mayroon siyang nababalitaan na nais mag-recant o umatras sa kanilang testimoniya.
Tinanong din ni Marcoleta sa Prosecutor General kung magkano ang ibibigay at kanino ibibigay ang isasauling pera at sino ang maga-account? Tanong pa ng Senador na kung mangongolekta ang DOJ, hindi ba aniya ito isang “abuse of discretion?”
Sagot ni Fadullon na hindi pag-abuso ang restitution kung nagkasundo ang parehong partido sa mga kondisyon na nilalaman ng memorandum of agreement.
Sa kasalukuyan, kabilang na sa mga itinuturing bilang state witness sina dating DPWH USec. Roberto Bernardo , Henry Alcantara, at Gerard Opulencia gayundin ang kontratistang si Sally Santos.
















