Dumistansya ang abogadong nag-notaryo sa kontrobersyal na affidavit ng 18 umano’y dating Marines kaugnay sa P805-bilyong kickbacks, kasabay ng paggigiit na isa siyang lehitimong notary public at hindi hao xiao o peke.
Sa kaniyang pagharap sa National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit nitong Martes para tumugon sa subpoena, nilinaw ni Atty. Charlie Pascual na ginampanan lamang niya ang kanyang tungkulin.
Nagsumite rin siya ng mga dokumento upang patunayang mahigit isang dekada na siyang notaryo sa Las Piñas.
Ayon kay Pascual, personal na nagtungo sa kanyang opisina ang mga indibidwal at sinuri niya ang lahat ng mga pagkakakilanlan nito.
Ang nasabing dokumento ay naglalaman ng paratang ng mga nagpakilalang bagmen ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, kung saan naghatid umano sila ng bilyun-bilyong suhol mula sa mga maanomalyang flood control projects.
Samantala, inaasahang haharap sa NBI sa Huwebes, Marso 12, ang 18 umano’y dating sundalo, ang kanilang abogadong si Levito Baligod, at dating Congressman Mike Defensor.















