Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government, at Philippine National Police na i-report ang mga hakbang na kanilang ipinatupad para palakasin ang seguridad sa mga paaralan.
Kasunod ito ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato na ikinasawi umano ng tatlo, kabilang ang 16-anyos na suspek, habang walo ang sugatan.
Iniutos din ng Pangulo ang masusing imbestigasyon, partikular kung paano nakakuha ng baril ang menor de edad at kung paano ito naipasok sa loob ng paaralan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, umano’y nakuha ng suspek ang 9-mm pistol ng kanyang ama mula sa isang secured vault.
Sinabi ni Marcos na hindi dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga estudyante ang school shootings.
Tiniyak din niyang makatatanggap ng kinakailangang medical assistance ang mga biktima, habang naghahanda ang deped ng psychological first aid at mental health support para sa mga apektado.
Ang insidente sa banga ang ikatlong fatal school shooting sa bansa sa loob lamang ng tatlong buwan, matapos ang mga pamamaril sa Tacloban city noong Hunyo at Ateneo de Zamboanga University noong Agosto.
















