-- Advertisements --

Pinaigting ng Department of Energy (DOE) katuwang ang kapulisan ang pagbabantay laban sa mga mapagsamantalang gasolinahan kasunod ng inaasahang malakihang pagtaas sa presyo ng petrolyo ngayong linggo dahil sa tensyon sa Middle East.

Bilang hakbang, nakipagtulungan ang DOE sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang maglunsad ng isang electronic complaint platform.

Dito maaaring magsumbong ang mga konsyumer laban sa mga istasyon na hinihinalang lumalabag sa fuel pricing rules o nakakaranas ng kakulangan sa suplay.

Ayon sa ahensya, madaling makapagpadala ng reklamo ang publiko gamit ang eReport tab sa eGov application.

Kailangan lamang piliin ang opsyon na Gas Station Concerns, punan ang mga kinakailangang detalye, at tukuyin kung ang insidente ay kasalukuyang nangyayari o naobserbahan na noong mga nakaraang araw.

Bukod sa teknolohiya, nakikipag-ugnayan na rin ang DOE sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang pagbabantay laban sa hoarding at profiteering.

Hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na agad i-report ang mga sumusunod na kaduda-dudang aktibidad sa mga gasolinahan.

Ang hakbang na ito ay inilabas kasunod ng pagsasara ng Strait of Hormuz—na itinuturing na pinakamahalagang oil export route sa buong mundo. Isa itong pangunahing global shipping corridor na nag-uugnay sa mga Gulf oil producers patungo sa Gulf of Oman at Arabian Sea. Nagsara ang naturang ruta dahil sa patuloy na sigalot na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran.