Inamin ni dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor na tumulong siya sa 18 dating Marines at Navy na umano’y nagsilbing “bagmen” o tagahatid ng pera para kay dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Defensor, nagpasya siyang tumulong matapos malaman ang umano’y planong ilantad ang iba pang dating sundalo kasunod ng testimonya ni Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kabilang sa kanyang naging tulong ang pagbibigay ng sasakyan at suporta sa isinagawang press conference ng mga ito noong Pebrero 24, 2026.
Iginiit ni Defensor na layunin lamang niyang mailabas ang katotohanan tungkol sa mga alegasyon ng korapsyon at matiyak ang kaligtasan ng mga dating sundalo at kanilang pamilya.
Aniya, wala umanong masamang motibo ang mga ito at handa silang panindigan ang kanilang mga pahayag.
Nilinaw naman ng dating mambabatas na wala siyang kinalaman sa pagbuo ng affidavit ng mga nag-akusa.
Sinabi rin ni Defensor na posibleng umabot sa 90 katao kabilang ang mga aktibo at retiradong sundalo at ilang dating opisyal ang maaaring lumantad at magsalita hinggil sa isyu.
Samantala, tinuligsa niya ang mga nagsasabing bahagi umano ito ng destabilization plot laban sa administrasyon.
Nauna nang nagpahayag ang Malacañang na posibleng may mga grupong nais patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng mga alegasyon.
Umaasa si Defensor na iimbestigahan ng Senado, sa pangunguna ni Senate Pro-Tempore Panfilo ”Ping” Lacson, ang mga paratang.
Aniya, handa ang mga dating sundalo na humarap sa anumang imbestigasyon at mabigyan ng patas na pagdinig.















