Iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee si Senator Alan Peter Cayetano at Philippine Television Network General Manager Lino Cayetano sa nakatakdang pagdinig kaugnay ng umano’y mga “ghost” flood control projects sa Taguig City.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee chairperson Senator Erwin Tulfo, si Lino Cayetano—na nagsilbing alkalde ng Taguig mula 2019 hanggang 2022—ang humiling ng imbestigasyon sa mga flood control projects sa lungsod na ipinatupad mula 2022 hanggang 2025 na nagkakahalaga umano ng P6 billion.
“Siguro dapat mag-ready siya doon na kapatid niya mismo ang humihingi ng imbestigasyon dahil may nakita yata ‘yung kanyang kapatid,” ani Tulfo.
Una nang itinanggi ni Sen. Cayetano, ang mga alegasyon na may mga ghost flood control projects sa Taguig.
Binatikos din ng senador sina Tulfo at Senator Panfilo “Ping” Lacson, at kinuwestiyon ang pinagmulan ng kanilang mga yaman na tumaas umano noong 2025.
Inaasahang ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
















