Kinansela muna ang pretrial ni Senador Rodante Marcoleta sa Sandiganbayan Third Division ngayong Lunes, Agosto 10 dahil sa masamang lagay ng panahon.
Kinumpirma ito ni anti-graft court division clerk of court Dennis Pulma.
Ang naturang division ang humahawak ng kasong plunder ng senador at ng kaniyang kapwa-akusado na sina dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations ng tatlo kay Marcoleta.
Bunsod ng kanselasyon ng pretrial, inilipat ito sa Biyernes, Agosto 14.
Ang pretrial ay ang yugto kung saan ginagawa ang pagmamarka para sa pagtukoy ng mga ebidensya at ang stipulation of facts ng kaso bago magsimula ang mismong paglilitis.
Nauna nang nag-plead ng not guilty sina Marcoleta at 3 pa sa kaniyang kapwa-akusado sa kasong plunder kasabay ng pagbasa ng kanilang sakdal.
Naghain din ng not guilty plea si Marcoleta at Espritu sa hiwalay pa na kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal at nagpaparusa sa pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo sa pagitan ng mga pribadong indibidwal at mga kawani o opisyal ng pamahalaan.














