-- Advertisements --

Itinanggi ng abogado ni dating Congressman Zaldy Co na si Atty. Ruy Rondain na nagpadala ang kaniyang kliyente ng ”feelers” sa gobiyerno sa pamamagitan ng Simbahan.

Ito ay kasunod sa pagbubunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na may mga ‘pahiwatig’ na ang dating mambabatas, kasunod ng pagtatago ng ilang buwan.

Ayon kay Atty. Rondain, walang ginawang ganoong hakbang ang kaniyang kliyente.

Hindi rin umano inotorisa ang abogado na lumapit sa gobiyerno.

Giit ng abogado, hangga’t hindi nakikipag-usap mismo ang pari kay Zaldy Co, anumang pagtatangkang lumapit sa gobiyerno sa ngalan ni Zaldy Co ay maituturing bilang ”unauthorized feelers”.

Nanindigan ang abogado na siya lang ang tanging personalidad na otorisadong magsalita para kay Co, bilang kaniyang abogado at nagsisilbing spokesperson.

Una na ring sinabi ng Palasyo Malakaniyang na bukas ito sa pakikipag-usap sa puganteng mambabatas ngunit iginiit na ipinapaubaya pa rin ng Palasyo sa Office of the Ombudsman ang lahat ng aksyon.