-- Advertisements --

Pinatawag ng Foreign Ministry ng China si Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz kaugnay sa akusasyon laban kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nagsasagawa umano ng smear campaign laban sa China.

Kinumpirma ng Chinese embassy sa Maynila ang naturang hakbang sa isang statement.

Sa isang press conference, nanindigan si China Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun sa seryosong posisyon ng China laban sa mga pahayag ng aniya’y tagapagsalita ng PCG at nitong umaga aniya ipinatawag ang Ambassador ng Pilipinas sa China para muling maghain ng seryosong protesta.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon mula kay Comm. Tarriela at sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa naturang usapin.

Subalit nauna ng iginiit ni Tarriela na hindi pagdungis o paninira ang kaniyang mga inilalathalang posts, kundi mga totoong nangyayari sa West Philippine Sea na suportado ng mga ebidensiya tulad ng mga video, larawan, official reports mula sa PCG at third-party observations.

Nauna na ring nagpahayag ng buong suporta ang DFA at ilang mambabatas para sa mga nahalal na opisyal at institusyon ng gobyerno na dumidepensa sa soberaniya ng Pilipinas.