-- Advertisements --

Malaking bahagdan ng mga insurance claims ng mga magsasaka at mangingisda ang matagumpay na naipamahagi sa loob lamang ng 20 araw na standard processing period nitong 2025, bunsod ng malawakang digitalization at modernisasyon ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Ibinahagi ni PCIC President Jovy Bernabe na ang pagbilis ng proseso ay resulta ng paggamit ng satellite imagery upang mas mabilis na matukoy ang mga pinsala sa agrikultura sa mga geo-tagged farms.

Ibinida niya ang datos na ito sa gilid ng isang partnership signing kasama ang Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ) GmbH nitong Lunes.

Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na sa kasalukuyan, ang ginagamit nilang satellite-based mapping ay limitado pa lamang sa pagtataya ng mga pinsalang dulot ng hangin o yaong epekto ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS).

Bilang hakbang upang mas mapabuti ang sistema, pinag-aaralan na ngayon ng state-run firm ang pakikipag-ugnayan sa mga private stakeholders upang makahanap ng maaasahang data providers para sa mga pagbaha.

Mapapabilis nito ang pag-proseso ng mga susunod na claims nang hindi na kinakailangan ang pisikal na inspeksyon sa mga apektadong sakahan.