-- Advertisements --

Nababagalan ang isang grupo ng magsasaka sa aksiyon ng Department of Agriculture (DA) sa pamamahagi ng ayudang abono.

Ayon kay Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers Cooperatives, Inc. (FFFCI), magsisimula na ang pagtatanim ng palay sa Mayo ngunit humihingi pa lamang ng pondo ang DA para sa biofertilizer.

Giit niya, baka matapos na ang panahon ng pagtatanim bago pa dumating ang ayuda.

Kamakailan, kinumpirma ng DA na humiling ito ng P30 bilyon karagdagang pondo para sa fertilizer at subsidy sa mga magsasaka.

Kasabay nito, ipinatutupad na rin ang P10 bilyon Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa harap ng mataas na production costs.

Ayon sa DA, bumaba ang projection ng lokal na rice production mula 20.8 million metric tons tungo sa 19.8 million metric tons ngayong taon.

Inaasahan pang magkakaroon ng karagdagang pagbaba dahil sa epekto ng energy crisis at kakulangan sa abono.

Nanawagan ang mga magsasaka na bilisan ng pamahalaan ang pamamahagi ng biofertilizer upang hindi maapektuhan ang ani at kita ng mga magsasaka. (Report by Bombo Genesis)