Target ng Department of Agriculture (DA) na tutukan ang kalidad at kondisyon ng storage facilities dahil sa inaasahang magiging impact ng El Niño.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Asis Perez, pangunahing tututukan dito ang mga pasilidad at bodega na ginagamit bilang imbakan ng bigas.
Paliwanag ng opisiyal, bahagi ito ng mga plano ng ahensiya para mapatatag ang food security sa harap ng malakas na El Niño na inaasahan makaka-apekto sa lokal na produksyon ng mga pagkain.
Bagaman nananatiling matatag ang suplay ng bigas sa buong bansa sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), malaking hamon pa rin ang aniya ang pag-preserba, pag-imbak, at pagpapanatili sa magandang kalidad ng stock ng bigas.
Sa sandaling bumaba na ang kalidad ng palay dahil sa naturang cause tulad ng ulan o bagyo o labis na init ng panahon, nawawalan na rin aniya ito ng halaga, hindi magagamit, o maipamigay.
Ayon kay Usec. Perez, may malaking pondo ring inilaan ang pamahalaan para sa mga drying facility tulad ng pondo para sa pagtatayo, rehabilitasyon, at maintenance sa mga naturang pasilidad.
Tiniyak naman ng NFA ang regular na pagbabantay sa mga bodega nito, lalo na sa structural integrity, upang masigurong maayos ang estado at kalidad ng mga ito.
















