-- Advertisements --

Nilawakan pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang monitoring sa mga ilog, sapa, estero, atbpang mga daluyan ng tubig sa buong National Capital Region (NCR).

Ito ay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño na inaasahang magtatagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Ayon sa DENR, binabantayan ang mga naturang lugar dahil sa ilegal na pagtatapon ng basura, polusyon, pagdami ng banlik, at mga bara sa daluyan ng tubig.

Sa kasalukuyan, binabantayan ng ahensiya ang hanggang 89 na monitoring station sa buong capital region na pangunahing nagtatala sa sitwasyon at antas ng mga naturang katubigan. Ang mga ito ay nasa tatlong pangunahing river system.

Kinabibilangan ito ng 21 monitoring station sa Malabon-Navotas-Tullahan-Tinajeros, 32 sa Pasig-Marikina-San Juan, at 36 sa Muntinlupa-Parañaque-Las Piñas-Zapote.

Maliban dito, mayroon ding 377 monitoring station sa capital region na nakatutok sa kalidad ng tubig o water quality monitoring program sa ilalim ng Environmental Management Bureau.

Ang mga naturang monitoring station ay nagagamit sa pagkuha ng mga sample ng tubig at pagsusuri sa laboratoryo upang matukoy kung pasok pa rin sa standard ang kalidad ng tubig at matukoy ang mga posibleng pinagmumulan ng polusyon, bilang isa sa mga posibleng impact ng naturang weather phenomenon.