-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malaysian Maritime Enforcement Agency (MMEA) ang pagkaka-detene sa 65 crew ng isang Filipino fishing vessel.

Ang mga naturang tripulante ay kasalukuyang nasa Sabah, Malaysia, kasunod ng pagkakahuli ng Malaysian Coast Guard dahil sa umano’y unauthorized fishing sa karagatang sakop ng naturang bansa.

Ayon sa MMEA, nahuli ang mga ito sa isang routine patrol noong September 27.

Maliban sa mga nakadeteneng crew, kinumpiska rin ng Malaysian authorities ang fishing vessel at ang mga kagamitan ng mga naturang mangingisda.

Sa naunang ulat ng Malaysian media outlets, umaabot umano sa apat na tonelada ng maritime products ang nakuha sa naturang barko na tinatayang nagkakahalaga ng 350,000 Malaysian ringgits o humigit kumulang P5 million.

Nabigo umano ang mga crew na magpakita ng balidong identification documents at work permits kaya’t sila ay inaakusahang lumabag sa immigration laws at sa Fisheries Act of 1985, isa sa pangunahing fishing law ng Malaysia.

Sa kasalukuyan, walang bilateral agreements for commercial fishing ang Malaysia at Pilipinas.