-- Advertisements --

Umapela si Abra Rep. JB Bernos sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na mag-donate ng hauling trucks atbpang logistics support upang mapalakas ang sektor ng pagsasaka.

Ito ay kasabay ng nagpapatuloy na problema ng mga magsasaka sa pagbibiyahe sa kanilang produkto, kakulangan ng akmang transportasyon, kasama na ang hindi maayos na daanan.

Katwiran ng mambabatas, marami ang produksyon sa mga malalayong lugar ngunit nahihirapan ang mga magsasaka na ibiyahe ang kanilang produkto dahil sa kulang na logistics support ng gobiyerno.

Marami sa mga ito ay kadalasan aniyang nasisira lamang at hindi nadadala sa mga akmang merkado na may mataas na demand at magandang presyo.

Kabilang sa mga GOCC na maaaring magdonate ng akmang logistics tulad ng hauling trucks, ayon kay Bernos, ay ang Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corporation atbpang revenue-generating government corporations.

Kapag nangyari ito, maaaring mapalakas ang food security ng bansa at hindi gaanong mamroblema ang PH government ng sapat na supply, lalo na sa panahon ng krisis tulad ng kasalukuyan. (report by Bombo Jai)