Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Korte Suprema na agad desisyunan ang usapin sa kinakailangang bilang ng boto sa impeachment upang maiwasan ang mga alinlangan sa gitna ng mga kinakaharap na krisis ng bansa.
Kasunod ito ng dalawang petisyong inihain na kumukuwestiyon sa ginawang pagbababa ng Senado sa two-thirds threshold mula 16 patungong 14 na boto batay lamang sa mga senador na aktwal na makakapagpartisipa.
Ayon kay Cayetano, napakahalagang maresolba agad ang isyu dahil ang naturang formula ng pagbibilang ng boto ay maaaring makaapekto sa iba pang kritikal na gawain ng Senado tulad ng quorum at pagpapatibay ng mga kasunduan.
Binigyang-diin ng senador na bagamat may tiwala pa rin sila sa legal na sistema ng bansa, mas sensitibo ang usaping ito dahil sa mga sangkot na political at legal considerations.
Nilinaw rin niya na mananatiling buo at nagkakaisa ang pitong miyembro ng Minority Bloc sa kanilang mga gawaing pambatasan sa kabila ng magkakaibang pananaw sa impeachment.
Dagdag pa ni Cayetano, walang itinuturing na majority o minority bloc sa loob ng Impeachment Court dahil bawat senador ay may sariling pagpapasya sa oras ng paghatol.
















