Binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang epekto ng bagyong Francisco sa sektor ng pagsasaka, lalo sa Luzon na pangunahing naaapektuhan sa naturang bagyo.
Ayon sa ahensiya, maaaring aabot sa 66,997.01 hectares ng standing crops ang maapektuhan ng bagong bagyo.
Ito ay binubuo ng kabuuang 53,652.72 ektarya ng mga palayan at 13,344.29 ektarya ng mga maisan.
Malaking porsyento sa mga ito ay pawang nasa seedling at reproductive stage pa lamang.
Posibleng lalo pang lalawak ang mga maaapektuhang lugar habang lumalakas ang bagyo kung saan ang inisiyal na natukoy na naapektuhan ay ang Mimaropa Region, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.
Ayon sa DA, nakapaglabas na rin ito ng abiso sa mga regional office na bantayan ang sitwasyon ng mga magsasaka at ng mga sakahang maapektuhan sa pananalasa ng bagyo.
Sa kabila nito, naniniwala ang ahensiya na ang mga serye ng pag-ulan na dulot ng bagyo ay posibleng mas magiging kapaki-pakinabang pa para sa mga magsasaka, dahil sa naunang epekto ng summer o tag-init.
















