-- Advertisements --

Inihahanda na ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ang P36 million na insurance payouts para sa 5,005 magsasaka na napinsala ang mga pananim dahil sa Bagyong Luis at Maymay at sa Southwest Monsoon o Habagat mula Agosto 1 hanggang 11, 2026.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), nasa P35.67 million ang initial estimate ng insured damages sa anim na rehiyon.

Pinakamaraming apektadong magsasaka ang naitala sa Region III o Central Luzon na may 1,836, sinundan ng Region I na may 1,218 at Region IV-B na may 836.

Pinakamalaki naman ang insured losses sa palay na umabot sa P25.60 million. Kasunod nito ang high-value crops na P3.73 million at mais na P3.55 million.

Sinabi ng DA na minobilisa na ng PCIC ang mga regional office nito para sa validation ng pinsala at pagpapabilis ng processing ng mga insurance claim.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang agarang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda matapos ang bawat kalamidad upang mabilis silang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.

Samantala, sinabi ni PCIC President Jovy Bernabe na gumagamit na rin sila ng bagong teknolohiya upang mapabilis ang assessment ng pinsala at pag-release ng insurance assistance.

Gayunman, maaari pang magbago ang initial figures habang nagpapatuloy ang field validation ng PCIC.