Humihiling ang Department of Agriculture (DA) ng P250-bilyong budget para sa 2027 upang mapalakas ang seguridad sa pagkain, kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at katatagan ng ekonomiya.
Sa Food Security Forum sa Makati, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bumaba ang ambag ng agrikultura sa gross domestic product (GDP) mula 19% noong 2005 hanggang 7.9% makalipas ang dalawang dekada, dahil sa matagal na kakulangan ng pamumuhunan sa sektor.
Ayon sa kalihim, ang panukalang budget ay mas mataas kaysa P215 bilyon ngayong 2026 at halos doble na kumpara sa P117 bilyon noong 2022.
Ilalaan ito sa farm mechanization, irigasyon, research, cold-chain facilities, digital infrastructure, at post-harvest systems upang mapataas ang produksyon at mapababa ang presyo ng pagkain.
Magpapatuloy rin ang P30-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund, habang nadagdagan ang pondo ng Philippine Crop Insurance Corporation at ang P20-bilyong taunang pondo para sa pagpapaunlad ng livestock sector.
Sinabi din ng kalihim na lumago ng 2.6% ang agrikultura at pangisdaan noong 2025, ang pinakamabilis sa loob ng walong taon, kasabay ng pagbaba ng presyo ng bigas at pagbagal ng food inflation.
Gayunman, aminado siyang nananatili ang mga hamon tulad ng kakulangan sa irigasyon, mataas na logistics cost, at epekto ng climate change kaya kinakailangan ang tuloy-tuloy na pamumuhunan sa sektor.














