Hinimok ng iba’t ibang sektor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng konkretong solusyon higit pa sa mga pangako at napagtagumpayan ng administrasyon sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27.
Ayon sa mga mangingisda sa Zambales, na humaharap sa mga dagok dulot ng mataas na presyo ng langis at tensiyon sa West Philippine Sea (WPS), ang pagprotekta sa kanilang kabuhayan ay nagsisimula sa pinaigting na presensiya ng gobyerno sa naturang karagatan at patuloy na tulong.
Kaugnay nito, hinimok ni Regino Romero, chair ng Subic Hook and Line Fishermen’s Association, ang pamahalaan na paigtingin ang pagpapatroliya para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino upang mapigilan ang panghaharass sa kanila kasabay ng pagpapalawig pa ng fuel subsidies para sa mga nangingisda malapit sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Idinaing naman ng public utility drivers na patuloy na lumiliit ang kitang kanilang naiuuwi bunsod ng pagsipa ng mga presyo ng langis.
Hinikayat naman ng Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan si Pangulong Marcos bilang chair ng Presidential Agrarian Reform Council, na protektahan ang agricultural lands, resolbahin ang matagal nang nakabinbing land disputes, itigil ang pagbaliktad sa mga nakamit na reporma at ihinto ang kriminalisasyon sa mga magsasaka na nagtatanggol ng kanilang mga karapatan.
















