Nilinaw ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na walang direktiba sa kaniya para mag-tone down at minimize o bawasan ang kaniyang media exposure.
Ito ang kasagutan ng PCG official ngayong Biyernes, Pebrero 20, nang matanong kung nagdulot ng hamon sa kaniyang mandato ang pressure mula sa Chinese Embassy, matapos nitong himukin ang gobyerno ng Pilipinas na hayaan ang Department of Foreign Affairs na manguna sa pangangasiwa sa mga salungatan.
Ayon kay Comm. Tarriela, buo ang suporta ng Palasyo Malacañang sa transparency initiative sa mga usapin sa West Philippine Sea.
Samantala, inihayag din ni Comm. Tarriela na tumataas ang Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) operations ng China sa ating bansa sa mga nakalipas na taon.
Paliwanag ni Comm. Tarriela ito ay dahil kailangan ng panig ng China na magsumikap na malabanan ang transparency effort ng bansa.
Gayunman, naniniwala si Comm. Tarriela na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, kung saan batid aniya ng lahat kung ano ang nangyayari, mahirap para sa Chinese government na baluktutin ang opinion ng publiko pagdating sa West Philippine Sea sa kasalukuyan.
















