Binatikos ni Senador Erwin Tulfo ang paggamit ng magkakaibang grid coordinates ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga flood control project at nanawagan ng isang pinag-isang sistema ng pagpaplano at pagmomonitor upang maiwasan ang kalituhan at posibleng katiwalian.
Iminungkahi ito ni Tulfo, matapos mabunyag sa pagdinig na hindi nagtutugma ang datos mula sa Multi-Year Programming and Scheduling System (MYPS) at Project and Contract Management Application (PCMA), na ginamit sa pagtukoy sa mga umano’y ghost flood control projects nitong mga nagdaang taon.
Ayon sa senador, ang pagkakaroon ng magkaibang coordinates sa dalawang sistema ay nagiging “grey area” na maaaring samantalahin para sa korapsyon. Giit niya, kung iisa lamang ang ginagamit na coordinates mula sa pagpaplano hanggang sa aktuwal na pagmomonitor ng proyekto, mas madaling matutukoy kung may anomalya o wala.
Sumang-ayon naman si DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III at kinilala ang pangangailangang isaayos ang sistema. Aniya, may isinasagawa nang mga reporma ang ahensya, kabilang ang isang foreign-assisted project, upang pag-isahin ang coordinates na ginagamit sa mga aplikasyon ng DPWH. Plano rin umano ng ahensya na maglunsad ng transparency portal at gumamit ng satellite imaging upang mapahusay ang pagmomonitor ng mga proyekto at mabawasan ang human intervention.
Sa parehong pagdinig, hinimok ni Tulfo ang DPWH na bilisan ang beripikasyon ng listahan ng mga umano’y ghost flood control projects sa buong bansa. Aniya, ang mabagal na proseso ay nagdudulot ng pagdududa sa publiko at maaaring humantong sa kawalan ng pananagutan.
Bilang tugon, sinabi ni Bernabe na malapit nang matapos ang beripikasyon ng 421 proyektong kabilang sa listahan ng mga pinaghihinalaang ghost flood control projects. Habang sinang-ayunan naman ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida ang panawagan na ilabas na ang beripikadong listahan upang masimulan ang paghahain ng mga kaso laban sa mga sangkot.















