Tumaas ng mahigit P100 ang babayaran ng mga kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour (kWh) matapos magpatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng panibagong dagdag-singil ngayong buwan ng Marso.
Pumalo sa P0.6427 kada kWh ang ipinataw na taas-singil, na nagdala sa kabuuang rate sa P13.8161 kada kWh.
Katumbas ito ng nasa P129 na dagdag sa electricity bills ng mga tipikal na kabahayan.
Ayon sa Meralco, pangunahing nagtulak sa pagtaas ang transmission charges matapos lumobo ang sinisingil ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula sa Reserve Market.
Nadagdagan din ang generation charge dulot ng mga kontrata sa iba’t ibang power providers.
Kaugnay nito, umapela ang kumpanya sa publiko na magtipid sa kuryente lalo na’t inaasahang tataas ng 20 hanggang 33 porsyento ang power demand bunsod ng paparating na dry season at ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Samantala, nilinaw ng kumpanya na sa kabila ng pagtaas ng mga pass-through charges, nananatiling walang paggalaw ang kanilang mismong distribution charge mula pa noong Agosto 2022.















