-- Advertisements --

Nananatiling pahirapan ang pagberipika sa umano’y ”surrender feeler” ni dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co, na pinaniniwalaang nagtatago ngayon sa Portugal.

Paliwanag Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ang pagpapahiwatig ni Co ay idinaan sa pamamagitan ng Simbahan ngunit hindi rin direktang sinabi sa kaniya ng kinatawan ng Simbahan.

Nalaman na lamang umano niya ito sa pamamagitan ng isa pang personalidad kaya’t lumalabas na 4th hand information na ang ”surrender feeler” ng puganteng si Co.

Dahil dito, mahirap aniyang beripikahin ang naturang impormasyon, lalo na at hindi rin aniya nakikipag-ugnayan ang kampo mismo ni Co sa pamahalaan, upang direktang sabihin ito.

Naniniwala si Remulla na nagkaroon ng ”change of heart” ang nagbitiw na mambabatas tulad ng nangyari noon kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, kaya’t nagpapadala na siya ngayon ng pahiwatig, matapos ang ilang buwan na niyang pagtatago.

Dagdag pa ng kalihim, ang alagad ng Simbahan na nakausap ni Co ay isang Pilipino na nakabase rin sa naturang bansa. Kilala rin umano niya ang naturang pari.

Sa kabilang banda, nagsasagawa na rin aniya ng beripikasyon ang Office of the Ombudsman ukol sa naturang impormasyon, batay sa kaniyang naunang pakikipag-ugnayan sa naturang opisina na pinamumunuan ng kaniyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Ayon kay Sec. Jonvic, bukas ang gobiyerno ng Pilipinas sa anumang komunikasyon ng kampo ni Co, kung nanaisin ng dating mambabatas na tuluyan nang sumuko at umuwi dito sa bansa.