-- Advertisements --

Pormal ng inisyuhan ng National Bureau of Investigation ng ‘subpoena’ ang 18-dating sundalo na umano’y mga naglingkod rin bilang tauhan ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Ito mismo ang kinumpirma ni NBI Director Atty. Melvin Matibag kung saan inatasan ang grupo na magpakita sa kawanihan.

Pinatatawag ang labing walo nagpakilalang mga dating sundalo na humarap sa NBI sa susunod na Miyerkules.

Bukod sa mga ito, ibinahagi ni NBI Chief Matibag na padadalhan rin ang iba pang personalidad gaya ni Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, at mga abogadong nagnotaryo sa ‘affidavit’ ng grupo.

Kasunod ang aksyon ginawa ng kawanihan nang sila’y italaga ng Office of the Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa naturang isyu.

Nais kasi ng tanod-bayan na mapaberipika muna ang pagkatao ng 18-nagpakilalang mga dating sundalo upang matukoy ang kredibilidad nila.

Sa ‘joint-affidavit’ ng grupo’y naglalaman ng mga alegasyon at paratang laban sa pinangalanan mga opisyal ng pamahalaan.

Akusasyon nila’y naakatanggap ang mga kongresista at iba pa ng male-maletang pera mula kay former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Bagama’t nakapasumite na sila ng ‘joint-affidavit’ sa Ombudsman, hinimok ang mga dating sundalo na magpadala rin ng kanya-kanyang salaysay magpapatotoo sa kanilang mga alegasyon.