-- Advertisements --

Naghahanda na ang gobyerno sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa umiigting na tensyon at labanan sa Middle East.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mga hakbang upang mabawasan ang magiging epekto nito sa mga pamilyang Pilipino.

Sinabi ng Pangulo na nararanasan ngayon ng Pilipinas at ng buong mundo ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, lalo na sa pagtaas ng presyo ng langis.

Naapeektuhan ang daloy ng mga barkong may kargang langis sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa mundo. 

Dahil dito, posibleng tumaas ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

 Tinatayang madaragdagan ang presyo ng gasolina ng P7.48 kada litro, diesel ng P17.28, at kerosene ng P32.35.

Bilang tugon, nakikipag-ugnayan ngayon ang Malakanyang sa Kongreso upang mabigyan ang Pangulo ng kapangyarihang pansamantalang bawasan ang excise tax sa petrolyo kung aabot sa US$80 kada bariles ang presyo ng langis sa world market.

Plano ring amyendahan ang Biofuels Act of 2006 upang magamit ang mas murang bioethanol.

Siniguro din ng Pangulo na maglalabas ang pamahalaan ng fuel subsidy at cash transfer para sa apektadong sektor.

Patuloy ding mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin upang maiwasan ang hoarding at profiteering, habang tinutulungan ng DFA, DMW, at OWWA ang mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan, kabilang ang repatriation para sa mga nais umuwi.

Iginiit ng Pangulo na bagaman hindi kontrolado ng Pilipinas ang digmaan, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino.