-- Advertisements --

Nanindigan si Sen. Sherwin Gatchalian na kailangan nang mabigyan ng subsidiya ang transport sector dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kasama ang nakaambang bigtime price hike sa susunod na lingo.

Sa joint hearing ng Senate Committee on Foreign Relations at Migrant Wokers Committee ukol sa epekto sa Pilipinas ng giyera sa Gitnang Silangan, binigyang-diin ni Gatchalian na maraming mga jeepney driver ang hindi nakakapag-uwi ng sapat na kita para sa kanilang mga pamilya.

Inihalimbawa nito ang mga driver ng karaniwang transport system sa Pilipinas tulad ng tricyle, jeepney, traditional jeepney, at UV express.

Sa ngayon aniya, umaabot lamang sa P360 ang kita ng mga tricy driver kada araw habang aabot lamang sa P400 sa mga nagmamaneho ng traditional jeepney. Ang dalawa ay parehong kumikita ng below-minimum wage.

Para sa jeepney (modern) drivers, umaabot lamang sa P690 ang kinikita ng mga ito araw-araw habang P700 naman sa mga UV express driver.

Kung labis na lumubo ang presyo ng produktong petrolyo, ayon kay Gatchalian, tiyak na wala nang maiiwan sa kita ng mga driver.

Ayon sa senador, kailangan nang mabigyan ng akmang tulong ang mga driver at mga operator upang tiyak na may panggasto pa ang mga ito sa kanilang araw-araw na pangangailangan.

Tinukoy din ng senador ang fuel subsidy na maaaring ipamahagi sa transport sector. Kung magkukulang ang nakalaang pondo para rito, dapat tiyakin ng pamahalaan aniya na may iba pang mapagkukuhanan, dahil walang katiyakan kung kailan matatapos ang giyera sa Gitnang Silangan.