Nakipagtulungan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga pangunahing health maintenance organizations (HMOs) at private health insurers (PHIs) upang matiyak na abot-kamay ng publiko ang serbisyong pangkalusugan at maiwasan ang double billing o nakakalitong overlapping benefits.
Nilagdaan ng PhilHealth, kasama ang mga pangunahing HMOs at PHIs, ang isang memorandum of understanding hinggil sa benefit complementation, na inaasahang magpapababa sa gastos at magpapalawak sa access sa primary care o outpatient services.
Sinabi ni Christian Argos, Chairman ng Philippine Association of Health Maintenance Organization Companies, na ginagawa na nila ito sa mga inpatient services o pagpapaospital.
Ngayon, nais nilang palawakin ang kanilang serbisyo sa primary care, na siyang bumubuo sa malaking bahagi ng mga serbisyong pangkalusugan na ginagamit ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng kasunduan, unang sasagutin ng PhilHealth YAKAP ang mga benepisyong sakop nito tulad ng konsultasyon sa general practitioner, 13 laboratory tests, ilang gamot sa ilalim ng PhilHealth’s GAMOT program, 6 cancer screening tests, iba pang serbisyo gaya ng animal bite care, maternal care, TB-DOTS, HIV/AIDS treatment, at mental health services.
Pagkatapos nito, ang mga HMOs at PHIs naman ang sasagot sa iba pang serbisyong medikal na hindi sakop ng PhilHealth.
















