Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang outpatient coverage nito para sa dialysis at iba pang gamutan sa bato upang matulungan ang mabilis na dumaraming pasyente.
Ginawa ni Yamsuan ang panawagan kasabay ng pagdiriwang ng National Kidney Month ngayong Hunyo, matapos ipakita ng data mula sa Philippine Renal Disease Registry (PRDR) na 57.44 porsyento ng mga may Chronic Kidney Disease (CKD) ay nasa edad 20 hanggang 59 taong gulang mas marami na kaysa sa mga senior citizen.
Upang tugunan ang krisis, inihain ni Yamsuan ang House Bill 6310 na naglalayong tiyakin na sagot ng PhilHealth ang lahat ng gastos sa dialysis, gamot, bayad sa doktor, at ospital sa ilalim ng “No Balance Billing” policy.
Bukod sa libreng operasyon para sa kidney transplant, inoobliga rin ng panukala ang mga ospital na maglaan ng pasilidad para sa Peritoneal Dialysis (PD).
Ang PD ay isang mas murang uri ng dialysis na maaaring gawin sa bahay upang mabawasan ang bilyun-bilyong gastos ng pamahalaan sa hemodialysis.
Tututok din ang batas sa maagang pagsusuri at pag-iwas sa sakit sa pamamagitan ng mga laboratory test.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at PhilHealth, ang sakit sa bato ay isa na sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas, kung saan mahigit 30,000 bagong pasyente ang nagsimulang mag-dialysis noong nakaraang taon.
“Recognizing that kidney transplantation provides the highest quality of life for End Stage Renal Disease (ESRD) patients, our measure also mandates Philhealth to shoulder all expenses for the procedure, including the costs for both the recipient and the donor, to make this life-saving treatment truly accessible,” ayon kay Yamsuan.















