Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panukalang obligahin ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na maglaan ng benepisyo para sa mental health care ng mga inang dumaranas ng suliraning pangkaisipan o post-partum depression matapos manganak.
Sa ilalim ng House Bill No. 8617, sasaklawin ng panukala ang regular na screening, diagnosis at paggamot sa mga kondisyong gaya ng postpartum blues, postpartum depression at postpartum psychosis.
Ayon kay Yamsuan, hindi dapat balewalain ang depresyon, pagkabalisa at stress matapos manganak, dahil nangangailangan din ng suporta at pangangalaga ang mga ina sa panahong ito.
Bagama’t mayroon nang mga benepisyo ang PhilHealth para sa pangkalahatan at espesyal na serbisyong pangkaisipan, wala pa umanong partikular na package para sa pagtukoy at paggamot sa postpartum mental health conditions.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Health (DOH) at PhilHealth na magsagawa ng pambansang kampanya upang palawakin ang kaalaman tungkol sa postpartum mental health at ipaalam sa mga ina kung saan maaaring humingi ng tulong.
Batay sa isang pag-aaral, hindi bababa sa tatlo sa bawat limang buntis o bagong panganak na Pilipina ang nakaranas ng mga sintomas ng depresyon na nangangailangan ng klinikal na atensiyon.
Ayon kay Yamsuan, layunin ng panukala na mabawasan ang hadlang sa pagpapagamot, kabilang ang stigma at gastusing sariling sasagutin ng mga ina at kanilang pamilya.









