-- Advertisements --

Naglabas ng pahayag ang PhilHealth kaugnay ng viral post ng asawa ng isa sa mga miyembro nito na hindi umano nabigyan ng tulong para sa bayarin sa ospital matapos itong pumanaw.

Ayon sa viral post sa Facebook, umabot sa P200,000 ang hospital bill ng pasyente pero sinabi umano ng ahensya na ineligible sa ilang benepisyo ang nasawi dahil na-confine ito nang wala pang 24 oras.

“We have since reached out to the member’s wife and have agreed on the next steps as we explore all avenues of support,” ayon sa ahensya.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PhilHealth sa mga ospital na sangkot upang masuri ang mga pangyayari bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapabuti ang kanilang serbisyo at pagtugon sa mga miyembro.

Ang pahayag ng ahensya ay kasunod nang post ni Maria Lourdes Sulit, na nagkuwento ng sinapit ng kanyang asawang si Marvin, na namatay dahil sa brain hematoma matapos umanong hindi makapagbayad ng milyon-milyong pisong gastusin para sa operasyon.

Unang umanong dinala ang kanyang asawa sa Manila Doctors Hospital noong Hunyo 4 ng madaling araw at agad na sinabihang aabot sa humigit-kumulang P4 million ang operasyon. Dahil sa kakulangan sa pinansyal, inirekomenda ang paglipat nito sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERM), kung saan mas mababa ang gastos ngunit nangangailangan ng P1 million na paunang bayad.

Hindi umano kinaya ng pamilya ang agarang bayad, dahilan upang hindi agad maisagawa ang operasyon. Kalaunan, binawian ng buhay si Marvin noong Hunyo 4.

“May asawa ko na namatay na. Paano siya hindi qualified?” ani Sulit, na iginiit na matagal nang miyembro at regular na naghuhulog ang kanyang asawa sa PhilHealth.

Umapela rin siya sa PhilHealth at sa mga kinauukulang ahensya na repasuhin at alisin ang 24-hour confinement policy sa mga kasong nauuwi sa kamatayan, na aniya ay hindi makatarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Samantala, umaaasa si Sen. Bong Go, dating chairman ng Senate Committee on Health, na agarang matutugunan ng PhilHealth ang isyu.

Giit ng senador kung totoo ngang naipatutupad pa rin ang aniya’y anti-poor at illogical na 24-hr confinement policy, hindi raw ito katanggap-tanggap dahil matagal na itong ipinatigil ng PhilHealth sa ilalim ng emergency care benefit.