-- Advertisements --

Hiniling ng grupo ng mga doktor at abogado sa Office of the Ombudsman na muling suriin ang resolusyong nag-abswelto kina dating Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth President Emmanuel Ledesma.

Inihain ng naturang grupo ang motion for reconsideration sa Tanodbayan upang aralin muli ang naturang resolusyon.

Kung babalikan ang reklamo, nag-ugat ito sa umano’y illegal na paglipat ng P60 bilyon na pondo mula sa reserve fund ng PhilHealth papunta sa National Treasury.

Umaapela ang mga complainant na baligtarin ang pagbasura sa kanilang naunang inihaing reklamo laban sa dalawang nabanggit na opisyal.

Kinabibilangan ito ng technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, plunder, at grave misconduct.

Nanindigan ang mga complainant na malaki at mahalaga ang naging papel ni Recto sa pagbuo ng 2024 General Appropriations Act noong kinatawan pa siya ng distrito ng Batangas noong 2023.

Binalikan din ng mga ito ang pagdalo umano ni Recto sa bicameral conference committee kung saan naidagdag ang Special Provision 1(d), na kalaunan ay naging batayan ng circular para ilipat ang kabuuang P89 billion na pondo ng PhilHealth patungo sa National Treasury.

Sa ngayon, wala pang komento sina Recto at Ledesma sa naturang mosyon.