Target ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at mga health maintenance organization o HMO na mapababa ang out-of-pocket expenses ng mga Pilipino sa pagpapagamot sa pamamagitan ng mas malinaw na paghahati ng kanilang mga benepisyo.
Sa nilagdaang memorandum of understanding, PhilHealth muna ang unang sasagot sa mga covered primary at outpatient services, habang sasagutin naman ng mga HMO at private health insurers ang iba pang serbisyong hindi saklaw ng state health insurer.
Layunin din ng kasunduan na maiwasan ang duplication o pagdoble ng benepisyo para sa mga Pilipinong parehong miyembro ng PhilHealth at may pribadong health insurance.
Ayon kay PhilHealth Acting President at CEO Beverly Lorraine Ho, nais nilang masulit ng mga miyembro ang kanilang PhilHealth contributions habang nadaragdagan din ang kabuuang health coverage.
Target na masimulan ang bagong arrangement sa taong 2027.
Tiniyak ni Ho na magkakaroon ng safeguards at monitoring mechanisms upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Aniya, mas mapapadali ang monitoring dahil katuwang ng PhilHealth ang Insurance Commission sa pagbabantay sa mga HMO at private health insurers.
Samantala, nilinaw ng PhilHealth na hindi awtomatikong tataas ang kontribusyon ng mga miyembro dahil kailangan itong pahintulutan ng batas.
Ayon sa mga HMO, maaari rin itong magbukas ng posibilidad para sa mas abot-kayang health insurance packages dahil PhilHealth na muna ang sasagot sa mga basic outpatient services.















