-- Advertisements --

Binawasan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam patungo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa supply ng malinis na tubig sa Metro Manila.

Ayon sa board, mula sa dating 52 cubic meters per second (CMS) na tubig ay aabot na lamang sa 44 hanggang 46 cubic meters per second ang kasalukuyang alokason.

Ang naturang pagbabago ay bilang tugon at paghahanda sa El Niño na inaasahang lalo pang lalakas sa huling bahagi ng taon hanggang sa unang quarter ng 2027.

Ayon kay MWSS Water and Sewerage Management Department Manager Patrick James Dizon, unang hakbang pa lamang ito sa pagtitipid ng tubig bago ang pagtindi ng El Niño, at pangangalaga sa imbak na tubig sa mga dam kahit patuloy na tumataas ang antas nito.

Sa kasalukuyan, nasa 208.53 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam. Ito ay mahigit tatlong metro lamang bago umabot sa normal high water level na 212 meters.

Sa kabila ng pagbaba ng water allocation, mananatili pa rin aniyang maayos ang supply ng tubig sa mga water consumer.

Ayon kay Dizon, pinatakbo na ng ahensya ang mga alternatibong water facilities sa Laguna Lake, Rizal, Wawa Dam, at Cavite, upang matiyak na hindi maapektuhan ang supply ng malinis na tubig.