-- Advertisements --

Makikipagkita sina Ukraine President Volodymyr Zelensky at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kay U.S. President Donald Trump sa magkahiwalay na pulong sa White House ngayong Martes, Hulyo 28.

Nakapokus ang mga pagpupulong ng tatlong lider sa kaguluhan sa Ukraine at Middle East.

Ayon sa isang opisyal ng White House, makikipagkita si Trump kay Netanyahu para talakayin ang giyera sa Iran gayundin ang usad ng mga negosasyon sa Lebanon at pag-uusap para palawigin ang Abraham Accords o peace deal na naglalayong magkaroon ng pormal na ugnayan at pakikipagkaibigan sa pagitan ng Israel at Arab countries.

Inamin naman ni Trump na hindi sila ganap na magkasundo ni Netanyahu pagdating sa Iran subalit nananatiling magkapareho ng pananaw ang dalawang lider.

Samantala, sa pakikipag-pulong naman ni Trump kay Zelensky, tatalakayin ng dalawa ang nagpapatuloy na peace process sa pagitan ng Russia at Ukraine. Ayon sa US official, panahon na para waksan ang giyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Nitong Lunes, ipinagwalang-bahala lamang ni Trump ang alegasyon ni Zelensky na nagbibigay ang Russia ng intelligence sa Iran kaugnay ng military bases ng Amerika.

“I don’t think they’ve been doing it, certainly not at a high level,” saad ni Trump.