Hindi na matutuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sanang isagawa sa Nobyembre ngayong taon. Iba-iba naman ang naging pananaw ang mga botante kaugnay sa election postponement.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12326, na naglalayong palawigin ang termino ng mga barangay at SK officials.
Dahil dito, mananatili sa puwesto ang mga opisyal na nahalal noong 2023 at magkakaroon pa sila ng dalawang taon sa kanilang termino.
Ayon naman kay Pangulong Marcos, inaasahan niyang higit pang pag-iibayuhin ng mga kasalukuyang nakaupong opisyal ang kanilang mga gampanin, lalo na sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Kasunod nito, kinansela ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng paghahanda at aktibidad para sa BSKE 2026 matapos mapirmahan ng Pangulo ang batas. Kabilang dito ang filing of certificates of candidacy, ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia.
Ayon pa sa COMELEC, itatabi muna sa kanilang warehouse sa Biñan, Laguna ang mga preparatory materials para sa BSKE. Kabilang dito ang indelible ink na pananatilihin sa maayos na kondisyon upang mapreserba ang kalidad nito.
Sa tala ng COMELEC, nakapaglaan na ito ng humigit-kumulang ₱8 bilyon mula sa ₱19 bilyong budget na inilaan sana para sa BSKE 2026.
Samantala, iba-iba naman ang pananaw ng mga botante hinggil sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Ayon kay Dio Barz, isang empleyado sa auto salon, hindi siya pabor sa pagpapalawig ng termino ng mga opisyal.
“For me, mas maganda na i-extend next election na lang, not this existing period. Kasi lumalabas baka may hindi deserve na-extend. Not in-favor in 5 years kasi nga kung hindi maganda ang performance we extend the bad result. But if you keep extending things and they don’t deserve to be extended then we suffer the consequences of maintaining not qualified or not properly qualified people in position.”
Ganito rin ang naging pahayag ni Sophia Gabriel at Hazel Anne Samoy na parehong nag-aaral sa Metro Manila.
“For me po hindi (favor) kasi bilang isang kabataan ito na po ‘yung nagiging training namin if we want to be in the political field in the future.” – Sophia Gabriel, Senior High student
“Kasi may iba pong mga ma-elect po, iba po ‘yung kagustuhan nila- hindi po nilang kagustuhang tumulong. Parang hindi po nila habol ‘yung makatulong sa mga kabataan, sa mga barangay.” – Hazel Anne Samoy, College student
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay nakatakdang ganapin sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
















