Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na target ng pamahalaan na mabigyan ng kumpletong aklat ang bawat mag-aaral sa pampublikong paaralan para sa lahat ng asignatura ngayong School Year 2026-2027.
Kasunod ing pagbubukas ng klase, sinabi ni Gatchalian na nakapaloob sa 2026 national budget ang pondong kinakailangan upang maisakatuparan ang layuning magkaroon ng isang aklat para sa bawat mag-aaral o 1:1 textbook ratio.
Ayon sa senador, naglaan ang gobyerno ng P19.5 bilyon ngayong taon para sa pagbili ng mga aklat at iba pang instructional materials. Malaki ito kumpara sa karaniwang pondong inilaan para sa parehong layunin mula 2021 hanggang 2025 na nasa P5.475 bilyon lamang kada taon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang matugunan hindi lamang ang kakulangan sa mga silid-aralan kundi maging ang kakulangan sa mga kagamitang panturo na direktang nakaaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante.
Aniya, pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng sariling aklat at dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi sila magkukulang nito.
Sinabi rin ni Gatchalian na suportado ng datos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na learning materials. Batay sa resulta ng 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), mas mababa ng karaniwang limang puntos sa pagsusulit sa pagbasa ang mga mag-aaral na walang sariling aklat o nakikihati lamang sa iba kumpara sa mga may sariling kopya.
Lumabas din sa pag-aaral na 52% lamang ng mga Grade 5 students ang may tig-iisang aklat, habang 42% ang kailangang makihati ng libro sa isa pang mag-aaral.
Dahil dito, umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng mas malaking pondo para sa mga aklat at instructional materials ay mapapabuti ang access ng mga mag-aaral sa mahahalagang kagamitan sa pag-aaral at makatutulong sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa.















