-- Advertisements --

Isinusulong ng Department of Energy (DOE) ang suspensyon ng excise tax sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kerosene kasunod ng inilabas na Executive Order No. 125 – 2026 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para pansamantalang tanggalin ang buwis sa mga pangunahing produktong petrolyo.

Kasunod ito ng ulat ng ahensya na umabot sa US$99.41 bawat bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, na lumampas sa US$80 threshold sa ilalim ng Republic Act No. 12316 na itinuturing nang ‘critical condition’ sa sektor ng langis.

Kaugnay nito, mababawasan ng P3.36 bawat kilo ang buwis sa LPG o katumbas ng P36.96 na tipid para sa karaniwang 11-kilogram cylinder, habang may P5.60 naman na bawas bawat litro sa presyo ng kerosene.

Layunin nitong mabawasan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Lalo na’t batid umano ng ahensya na bahagi ang LPG at kerosene ng regular na gastusin ng mga pamilya buwan-buwan.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang mga tanggapan ng pamahalaan at inatasan na rin ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng buwanang ulat ukol sa cost components ng kanilang produkto upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito sa merkado.