-- Advertisements --

Kinukuwestiyon ngayon sa social media ang pagkakatalaga kay Department of Health (DOH) Undersecretary Zhielah Ritz Gatchalian bilang isa sa mga opisyal na hahawak sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) program ng ahensya matapos kumalat ang isang post na naglalaman ng alegasyon hinggil sa umano’y hindi pa nababayarang utang.

Sa naturang post, isang indibidwal na nagpakilalang Marko Polo ang nagbanggit ng pangalan ni Gatchalian at naglahad ng umano’y detalye ng utang na sinasabing nagkakahalaga ng ₱6,630 sa isang pribadong kumpanya. 

Kasama rin sa post ang ilang personal na impormasyon na iniuugnay sa opisyal.

Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa DOH o mula kay Gatchalian hinggil sa nasabing alegasyon.

Ayon sa ilang tagamasid sa sektor ng kalusugan, mahalagang malinaw ang integridad at reputasyon ng mga opisyal na itatalaga sa mga programang humahawak ng pampublikong pondo, lalo na sa mga programang direktang tumutulong sa mahihirap na pasyente.

Ang MAIP ay programang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga indigent patients upang makatulong sa kanilang gastusing medikal.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, inaasahan sa mga lingkod-bayan ang pamumuhay nang simple, tapat, at may mataas na antas ng propesyunalismo sa serbisyo publiko.

Sinabi ng ilang health advocates na mahalaga ang agarang paglilinaw sa isyu upang maiwasan ang pagdududa ng publiko.

“Kapag may ganitong usapin na kumakalat online at may kinalaman sa isang opisyal ng pamahalaan, mahalagang mabigyan agad ng malinaw na paliwanag upang mapanatili ang tiwala ng publiko,” pahayag ng grupo.

Nanawagan din sila sa pamunuan ng DOH na magsagawa ng kaukulang pagsusuri kung kinakailangan at tiyaking ang mga opisyal na inilalagay sa sensitibong posisyon ay dumaan sa masusing background checking.

Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng DOH at ni Undersecretary Gatchalian kaugnay ng kumakalat na alegasyon.