Ibinunyag ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pinaplano na niya ang pagtutungo sa Portugal, ang bansa na pinaniniwalaang pinagtataguan ni dating House Appropriations Chairman Zaldy Co.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na humihingi na siya ng permiso mula kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. upang payagan siyang bumiyahe.
Sa ngayon ay wala pa aniyang tugon dito si Pang. Marcos ngunit nais ng kalihim na sa lalong madaling panahon ay makalipad na ito patungo sa naturang bansa.
Isa sa mga pangunahing target ng kalihim ay ang makausap ang mga malalapit kay Zaldy Co.
Aminado ang kalihim na kung papayagan siyang bumiyahe at kinalaunan ay makikita roon si Zaldy Co ay wala siyang ibang magagawa kahit pa gusto niya itong maaresto.
Natanong din ang kalihim kung makikipag-usap siya sa mga otoridad ng Portugal ngunit sa ngayon aniya, wala pa siyang konkretong nakahanay na gagawin kung papayagan man, basta’t hinihiling pa lamang niya ang permiso ng pangulo.
















