Humarap sa pagdinig ng Sandiganbayan 6th Division ang siyam na akusado sa maanomalyang flood control project sa Occidental Mindoro.
Ito ay para sa kanilang petisyon na makapaglagak ng piyansa sa kasong malversation of public funds through falsification of public documents, na nag-ugat sa umano’y maanomalyang P289-milyong dike project sa naturang lalawigan.
Kung babalikan ay pawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–MIMAROPA ang unang batch ng mga naaresto at sumuko na kinabibilangan nina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, Lerma Cayco, at Felisardo Sevare Casuno.
Ang ilan sa kanilang kapwa-akusado tulad ni Zaldy Co, ay nananatiling at-large.
Iniharap ng prosekusyon bilang testigo si Atty. RJ Bernal ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa unang araw ng pagdinig.
Pinagtibay naman ni Atty. Bernal ang pagiging lehitimo at pagiging authentic ng mga dokumento ng Sunwest Incorporated, kabilang ang Articles of Incorporation at General Information Sheets mula 1997 hanggang 2024.
Ito ay bahagi ng paunang presentasyon ng ebidensya laban sa mga akusado sa kaso.
Itinakda muli ang susunod na hearing sa January 12, at magtutuloy hanggang January 15, 2026 na gaganapin sa umaga at hapon.
















