Inaasahang aabot sa anim hanggang 14 na bagyo ang papasok sa Philippine Area of Responsibility mula Marso hanggang Agosto, kasabay ng inaasahang paghina ng La Niña ngayong papalapit na tag-araw.
Ayon sa state weather bureau , kasalukuyan pang nararanasan ang epekto ng La Niña subalit patungo na ang bansa sa ENSO-neutral conditions.
Sa naganap na 193rd Climate Forum, ipinaliwanag ni state weather bureau Climate Monitoring and Prediction Section chief Dr. Joseph Basconcillo na nananatili pa rin ang La Niña sa tropical Pacific.
Ang ENSO-neutral ay tumutukoy sa sitwasyon kung saan walang umiiral na La Niña o El Niño.
Bago tuluyang maging normal ang pag-ulan bunsod ng southwest monsoon o habagat pagsapit ng Hunyo, makakaranas muna ang malaking bahagi ng Luzon ng mas maraming dry days.
Tinataya ring tataas ang temperatura sa bansa. Babala ng ahensya , posibleng pumalo ang init sa Metro Manila ng hanggang 37.5°C sa buwan ng Abril, habang maaari itong umabot sa 39.9°C sa Northern Luzon.
Hinimok ng ahensya ang publiko na patuloy na mag-antabay sa kanilang mga advisories habang nagbabago ang lagay ng panahon.
















