-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senator Loren Legarda ang mas murang singil sa tubig para sa mga pamilyang kapos sa buhay at mas mahigpit na regulasyon sa labis na paggamit nito ng mga negosyo bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magpatupad ng mas mataas na singil o multa sa mga negosyong malakas gumamit ng tubig para sa hindi mahahalagang gawain, gaya ng pagdidilig sa golf courses, pagpuno ng commercial swimming pools at industrial washing.

Maaaring gamitin ang malilikom na pondo upang matulungan sa pagbabayad ng water bills ang mga kwalipikadong pamilyang mababa ang kita, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Giit ni Legarda, dapat unahin ang pangangailangan ng publiko sa panahon ng kakapusan sa suplay ng tubig.

Nagbabala ang Senador na maaaring tumagal hanggang unang kalahati ng 2027 ang malakas na El niño, batay sa pagtataya ng PAGASA noong Setyembre.

Hinimok niya ang mga water district, lokal na pamahalaan at kinauukulang ahensiya na repasuhin ang singil sa tubig at magpatupad ng mga hakbang upang makatipid sa suplay at maprotektahan ang mga pamilyang maaapektuhan ng tagtuyot.