Iprinisinta ng prosecution team ng International Criminal Court (ICC) ang mga video at dokumento upang patunayan na ang salitang neutralization sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon ay direktang tumutukoy sa pagpaslang.
Sa pagdinig, inilatag ni ICC Trial Lawyer Edward Jeremy ang tinaguriang Duterte list bilang ebidensya.
Tinukoy niya rito sina dating Mayor Rolando Espinosa at Mayor Reynaldo Parojinog na kapwa nilagyan ng markang neutralized sa mismong araw na sila ay napatay.
Bukod dito, ipinakita rin ng prosecution ang isang chart kung saan ipinagmalaki umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-ekis sa larawan ni Espinosa matapos itong masawi.
Upang lalong patibayin ang kaso, nagpalabas si Jeremy ng mga video ng dating pangulo.
Kabilang dito ang pag-amin umano ni Duterte na ang tanging kakayahan niya ay extrajudicial killings, gayundin ang video kung saan ipinagdiwang nito ang pagkamatay ng 32 indibidwal sa isang operasyon sa Bulacan.
Ayon sa prosecution, ang mga inilatag na ebidensya ay sapat na upang patunayan na ang mga nangyaring patayan ay bahagi ng isang systematic attack sa mga sibilyan at isang pormal na state policy.















