-- Advertisements --

Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa International Criminal Court (ICC) na pabilisin ang paglilitis sa kaso ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa pangamba sa kalagayan nito matapos mahigit isang taon nang nakakulong sa The Hague, Netherlands.

Sinabi ng Bise Presidente na maayos naman ang kalagayan ng 81-anyos na dating Pangulo, bagama’t mayroon itong skin rash na ginagamot ng health unit ng detention facility. Aniya, bukod sa karaniwang nararamdaman ng isang nakatatanda, wala naman umanong seryosong reklamo sa kalusugan ang kanyang ama.

Ibinahagi rin ni Duterte na nakatakda pa lamang sa Nobyembre ang paglilitis, bagay na ikinadismaya ng kanilang pamilya dahil mahigit isang taon at apat na buwan na umano itong nakakulong nang hindi pa nagsisimula ang trial o napag-uusapan ang posibilidad ng pagpapalaya. Umaasa rin siyang mapapabilis ang proseso kasunod ng mga pagbabago sa pamunuan ng ICC at igagalang ang presumption of innocence.

Muli ring kinuwestiyon ni Duterte ang paraan ng pagdadala sa dating Pangulo sa kustodiya ng ICC, na aniya’y hindi makatarungan. Inamin din niyang napag-usapan na nila ang posibilidad na pumanaw ang kanyang ama habang nasa detention, ngunit iginiit niyang nais pa rin ng kanilang pamilya na makabalik ito sa Pilipinas at doon gugulin ang nalalabing bahagi ng kanyang buhay. (Report by Bombo Jai)